MANILA, Philippines – Dumating na kahapon sa bansa ang kauna-unahang ship-borne o pandagat na missile system ng Pilipinas.
Ito ay ang Spike ER missile system na gawa ng Israeli company na Rafael Advanced Defense Systems Limited. Ikakabit ang missile system sa tatlong multi-purpose assault crafts o MPAC ng Philippine Navy.
Ayon kay Department of National Defense spokesperson Director Arsenio Andolong, malaking bagay ang bagong-biling armas para sa pagbabantay ng ating teritoryo.
“The missile-equipped MPACs will greatly enhance the Navy’s capability to secure our littoral areas against terrorism and in support of maritime law enforcement operations,” sabi ni Andolong sa isang statement.
May kakayahan ang Spike ER missile system na tumira ng surface-to-surface o pumuntirya ng mga target na nasa dagat at lupa, pati na surface-to-air o pagtira ng mga target na nasa himpapawid. Hanggang walong kilometrong distansya ang kaya nitong maabot.
Hindi pa masabi sa ngayon kung kailan pwede nang magamit ang mga missile system.
Tinatayang nasa $11.6 million ang ginastos ng pamahalaan para rito. Bahagi ito ng modernization program ng Armed Forces of the Philippines.
Nasa P125 billion ang inilaan ng gobyerno para bumili ng mga bagong barko, jets, helicopters, drones, radar systems at iba pang armas at gamit para sa AFP sa loob ng limang taon.
Watch The Video Below:
[SOURCE], ABS-CBN
Post a Comment