Nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga pari ang mga mananampalataya na manalangin laban sa tinatawag niyang "crisis of truth" na kinasasadlakan ng bansa sa kasalukuyan.
Ito ang buod ng circular letter ng Arsobispo ng Maynila para sa pagdiriwang ng Simbahang Katolika sa pagdiriwang ng “Solemnity of the Ascension."
Pahayag ni Cardinal Tagle sa Radyo Veritas, hindi na umano maitatanggi na ang mga Filipino ay nahaharap sa krisis ng katotohanan at hindi na matukoy o mapagtanto kung ano ang totoo at ang kasinungalingan.
“Dear brother priests and communities of consecrated persons, as we celebrate the Solemnity of the Ascension, we cannot deny that we are facing a crisis of truth. It is almost impossible for us ordinary citizens to know which news is true and which is fake,” sipi mula sa pahayag ni Tagle sa kaniyang circular letter.
Ikinababahala ni Tagle ang magkakasalungat na interpretasyon ng mga eksperto sa Saligang Batas, na aniya ay nagbubunga ngayon ng pagdududa, kawalan ng tiwala at pagkakahati-hati.
Iginiit din niyang ang “partisan politics” ay nagiging political "tribalization” kung saan unang naisasakripisyo ang kabutihan sana ng nakararami.
“Partisan politics has turned into political tribalization. The common good is one of the first casualties," aniya.
Hinimok ni Tagle ang lahat na makiisa sa tinawag niya na "Feasts of truth and love" sa loob ng 12 araw, na magsisimula sa ika-20 ng Mayo, Pentecost Sunday, hanggang sa ika-31 ng Mayo, kung kailan ipinagdiriwang naman ng Simbahan ang kapistahan ng pagbisita ng Birheng Maria sa pinsan na si Elizabeth —mga selebrasyon na nagbibigay-halaga sa katotohanan at pag-ibig.
Ipinaliwanag ng Cardinal na ang hakbang na ito ay bilang tugon sa pagkalat ng "fake news" at magkakasalungat na katotohanan.
Gagawin ito sa pamamagitan ng 12-araw na pagpapatunog ng kampana sa lahat ng simbahan sa Archdiocese of Manila tuwing alas-3 ng hapon bilang paggunita sa pagkamatay ni Hesus at para hilingin sa Diyos ang pagpapadala ng Banal na Espiritu na magbibigay ng gabay sa mamamayan tungo sa katotohanan sa panahong ito.
Pagkatapos ng pagpapatunog ng mga kampana, sabay-sabay na dadasalin ang Chaplet of the Divine Mercy sa lahat ng simbahan, kapilya, kumbento, paaralan, opisina at tahanan.
Hiniling din ni Tagle ang pagpapalakas ng mga programa na nagbibigay-halaga sa pagbabahagi; at nagsusulong ng mga gawain para sa ikabubuti ng nakararami, at sa pagpapanumbalik ng tiwala at pagkakasundo.
Hinikayat din ng Cardinal ang lahat na sabayan ng pag-aayuno ang mga gawaing ito bilang sakripisyo at pagpapahayag ng paninindigan para sa katotohanan.
SOURCE: GMA NEWS
Post a Comment