Dismayado sa kasalukuyang administrasyong Duterte si Sr. Mary John Mananzan, OSB, dating lider ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines dahil sa pagkawala ng tunay na diwa ng demokrasya sa bansa.
Ayon kay Mananzan, na dati ring president ng St. Scolastica's College, bahagi ng demokrasya ang malayang pagpuna ng oposisyon sa pamamalakad ng pamahalaan.
Pahayag niya sa panayam ng Radyo Veritas, kapansin-pansing nasisiil at pilit na hindi pinahihintulutan ng kasalukuyang administrasyon ang mga puna.
Partikular na tinukoy ng madre ang mga kaso at kasalukuyang sitwasyon nina Supreme Court Justice Maria Lourdes Sereno, Senator Leila De Lima, at maging ang sinapit ng online na pahayagang Rappler.
Ang mga to, aniya, ay mga kilalang kritiko ng administrasyong Duterte.
“Tingnan mo ang nangyayari sa opposition, si Sereno, si Leila De Lima, at Rappler ... basta nag-object ka, nagprotest ka, naganyan ka ... anong klaseng democracy 'yan, hindi ba democracy means you have to have opposition? Kung hindi ka ganyan, hindi ka democracy,” pahayag ni Mananzan.
Nitong Biyernes, napaulat na pormal nang ipinaabot ang sulat ng pamahalaan na nanagsasaad na tuluyan nang kakalas ang Pilipinas mula sa Rome Statute, na siyang tratadong lumikha ng International Criminal Court (ICC), na naratipikahan ng Pilipinas noong 2011.
Sa inilabas na pahayag ni Pangulong Duterte, kinundina nito ang sinasabing international bias ng United Nations Special Rapporteurs na pumupuna at pinalalabas na marahas at lumalabag sa karapatang pantao ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya si Sister Mananzan sa tila pagkawala ng dignidad ng lipunan kung saan kapansin-pansin ang kawalan ng kaayusan sa pamamalakad, partikular na sa pagiging normal ng kabastusan sa pananalita, pagsisinungaling, at pagpapakalat ng mga maling impormasyon sa ating bansa.
[SOURCE]
Post a Comment