0




Kasama ng anim na taong gulang na si Naomi Vaughan ang kanyang ina sa panonood ng soccer game ng kanyang kapatid sa school sa Bend, Oregon ngunit nainip siya kaya pinili niyang maglaro sa kalapit na damuhan.

Hindi inakala ni Naomi na ang kanyang pagkainip ay hahantong sa pagkakadiskubre niya ng 65 million years old na fossil, subalit iyon ang nangyari noong Oktubre ng nakaraang taon.



Ayon sa CNN, dahil sa pagkainip ay naghukay-hukay si Naomi ng lupa sa damuhan at natagpuan niya ang isang bagay na nagpaalala sa kanya ng may bertud na kuwintas ni Moana, pangunahing tauhan sa animated na pelikulang may kaparehong pamagat, dahil sa hugis nitong pabilog.

Tinawag niya ang nadiskubre na “Moana Rock” at ipinakita sa kanyang ina. Sa unang tingin pa lang ni Melissa, ina ni Naomi, ay espesyal ang bato na nahukay ng anak. Sinabi ni Melissa kay Naomi na maaaring milyong taon na ang batong nahukay niya.

Nalaman nila na tama ang sapantaha ng ina ni Naomi nang kumonsulta sila kay Greg Retallack, Director ng Paleontological Collections sa University of Oregon Museum of Natural and Cultural History. Ani Retallack, ang nadiskubre ng bata ay lubhang napakapambihira.



Ammonites ang nadiskubre ni Naomi. Isa iyong extinct marine mollusc animal na nabuhay 65 milyong taon o higit pa ang nakalilipas.

Dagdag pa ni Retallack, sa mga pambihirang pagkakataon, ang nadiskubre ni Naomi ay maaaring umabot sa $40,000 hanggang $50,000 ang halaga.







Post a Comment

 
Top